This interview features Ryan Rivera, a student at the University of the Philippines - Manila and the Head of The Initiative PH - Department of SOGIE Rights.

How did you become a SOGIE rights advocate?
Sa totoo lang, walang espesyal na dahilan kung bakit ako napasama sa mga nagsusulong ng pantay na karapatan para sa lahat, mapaanuman ang tinataglay na sexual orientation, gender identity, gender expression, at sex characteristics o SOGIE. Napasali ako noong una sa iilang organisasyong pangkabataan para mas mapamulat sa kalagayan ng lipunan. Alam ko lang na kasapi ako sa LGBTQIA+ community, at madalas akong napipilitang kumilos nang naaayon sa ulirang lalaki—nagpapakamatso, nagpapakabrusko, at nagpapakadominante—lalo na kapag wala akong kasamang kaedad. Siyempre, hindi ko magawa, hindi ako ‘yon. Pero hindi ako nag-iisa; milyon-milyong Pilipino ang nakakaranas din ng diskriminasyon at karahasan. Hindi man ako lantarang inutusan, pakiramdam kong obligasyon ko pa ring isulong ang karapatan ng taong magpahayag, manamit, at magmahal nang malaya. Para roon, isasabuhay ko ang adbokasiyang ito.
What are the most pressing issues that concern the LGBTQIA+ community in the Philippines and how do you address these issues?
Ito ay ang pagpapatay ng mga taong transgender sa kamay ng militar. Bilang miyembro ng kabataan, nakikiisa ako pamilya nina Jennifer Laude, Ebeng Mayor, Jessa Remiendo, at ng lahat ng mga biktima sa pagsingil ng hustisya para sa mga napaslang.
Bukod dito, nakakaranas ng malawakang diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Marami ang pinapalayas sa kanilang mga tahanan. Ang iba naman ay pinagkakaitan ng pagkakataong makakuha ng trabaho (lalo na ngayong panahon ng pandemya) o makatanggap ng serbisyong pangkalusugan (lalo na sa mga transgender). Kadalasan, relihiyosong pananaw ang nagiging sanhi ng mga paglabag na ito sa karapatang pantao.
Lantaran ding pinapairal ang mga paniniwalang homophobic at transphobic ng mga opisyal ng gobyerno. Mayroon ding stigma na mas madalas magkaroon ng HIV/AIDS ang mga LGBTQIA+, partikular ang mga bakla. Kailangang ipaalam sa publiko ang kalagayan ng LGBTQIA+ sa bansa at buwagin ang mga maling kuro-kuro o misconception. Bilang panandaliang tugon, kailangang maglabas ng mga information campaign. Kailangan ding ipakilala ang mga progresibong konsepto sa hanay ng SOGIE equality sa mga miyembro ng pamilya nating kumukontra sa mga ito.
Lokalisado ang kultura ng LGBTQIA+ sa Pilipinas. Bagama’t nagsimula sa Kanluran ang kilusang Pride at nasa wikang Ingles ang pamantayan ng mga konsepto ukol sa kasarian at sekswalidad, hindi ito nakakalamang sa kultura ng mga Pilipinong LGBTQIA+. Kumbaga, maaaring mayroong mga transgender na tumatawag sa kanilang sarili na “bakla” dahil wala namang salin ang transgender sa Filipino. Bukod dito, ilan sa mga lokal na salita para tumukoy sa iba’t ibang SOGIE tulad ng bading at tibo ay nahahaluan ng masamang konotasyon, kaya madalas gamitin ang mga ito bilang insulto imbis na karaniwang salita.
Hindi dapat sabihing mali ang taong ito purkit hindi niya nagamit ang espisipikong salitang ‘transgender’. Kailangan lang maging normalisado ang lokal na kultura ng LGBTQIA+ na ngayon ay itinuturing na taboo. Para makamit ito, kailangan ding makamit ang malawakang pagtatanggap sa mga taong LGBTQIA+ sa lipunan.
Patuloy nating hamigin ang ating mga pamilya at lokal na opisyales para suportahan ang adhikaing ito.
As a SOGIE rights advocate and member of the LGBTQIA+ community, what characteristics are you looking for in a national and local government candidate? How would these characteristics enable the candidate to address the issues that you mentioned?
Kailangang maging bukas ang mga tumatakbong opisyales na matuto ukol sa kalagayan ng LGBTQIA+ sa Pilipinas at mga konseptong may kaugnayan sa kasarian at seskwalidad (SOGIE 101). Hindi maaaring tumigil ang kanilang suporta sa mga aksyong pang-astetiko lamang at walang epekto, tulad ng rainbow pedestrian lane. Naisin dapat nilang makamit ang pantay na karapatan sa edukasyon, seguridad, trabaho, at serbisyong pangkalusugan na natatamasa ng mga cisgender at heterosexual para sa lahat ng tao. Kailangan din nilang tumindig laban sa karahasang nararanasan ng mga LGBTQIA+ at gumawa ng mga hakbangin para maprotektahan sila mula rito. Ang tunay na pagsuporta sa LGBTQIA+ ay hindi ginagawa para lamang sa reactions, views, at shares sa social media kundi para sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan sa ating lipunan.
As a SOGIE rights advocate and member of the LGBTQIA+ community, what policies and programs do you want national and local government candidates to support? Which of these do you want to be prioritized?
Malaking hakbang sa paglutas ng mga suliraning nakasaad sa #2 ay ang pagpapapasa sa Anti-Discrimination Bill o SOGIE Bill na nagbibigay ng proteksyon mula sa diskriminasyon at karahasan para sa lahat ng tao, mapaanuman ang SOGIE. Halos dalawang dekada na itong pinapadaan sa Senado, ngunit hindi ito tinatanggap dahil sa maling paniniwalang lalamangan ng LGBTQIA+ ang ibang tao pagdating sa karapatan. Bagkus, bibigyan lamang ng proteksyon ang mga LGBTQIA+ sa diksriminasyon at karahasang ginagawa nang nakabatay sa SOGIE.
Kailangan ding suportahan ng mga tatakbong opisyales ang mga polisiyang magpapagaan sa kalagayan ng lahat ng tao sa gitna ng pandemya. Ang libreng COVID testing, agarang contact tracing, malawakang pagbabakuna, maayos na paggamot sa may sakit, sapat na suweldo para sa mga frontliner, tuloy-tuloy na pamimigay ng ayuda, at siyentipikong pandemic response ay susi para ligtas nang makabalik na ang mga tao sa trabaho at makabalik na ang mga estudyante sa eskwela. Ang pagpapabuti sa kalagayan ng buong lipunan sa gitna ng pandemya ay pagpapabuti rin sa kalagayan ng LGBTQIA+.
Should candidates with these characteristics and priorities succeed in #Halalan2022, how do you envision the Philippines and the lived realities of LGBTQIA+ Filipinos in 6 years?
Sana mas maging ligtas ang LGBTQIA+ at mapapagaan ang kanilang kalagayan sa gitna ng pandemya. Mabibigyan sila ng sapat na ayuda habang limitado ang paggalaw at pagpunta sa trabaho. Bibigyan sila ng proteksyon laban sa pag-iinsulto at pananakit, at hindi sila pagkakaitan ng mga bagay at serbisyo na natatamasa ng ibang tao. Maging ligtas din sana sila sa red tagging na ginagawa ng mga opisyal ng bayan sa mga taong naglalabas ng hinaing at nakakakita ng kakulangan sa kung paano pinatatakbo ang bayan sa gitna ng pandemya. Sana magawa pa rin nilang pagaanin ang pang-araw-araw na kalagayan ng LGBTQIA+. Ituring nila ang LGBTQIA+ hindi bilang mas mababang nilalang kundi kapantay, na nararapat magtamasa ng mga batayang pangangailangan tulad ng ibang tao.
Comentarios