top of page

Roen Corneras: Gusto Kong Bumoto Para Sa Mga Magsasaka

Writer: Youth Vote PhilippinesYouth Vote Philippines
This interview features Roen Corneras, a Young Farmer Leader of the Pambansang Samahan ng mga Nagkakaisang Kabataang Magsasaka ng PAKISAMA.


Paano ka naging lider na kabataang magsasaka?

Nagsimula ang kalbaryo ng aking pagiging isang Kabataang Magsasaka nung ako ay hinimok ng founder ng aming kooperatiba upang kumuha ng NC2 o National Certificate sa Organic Agriculture Production. Sa Isang buwan na pag-aaral ay napagtanto ko na hindi madali ang maging magsasaka at isa pa, kokonti nalang ang mga kabataan na gustong pasukin ang mundo ng agrikultura. Pagkatapos noon ay na exposed na ako sa ibat’t ibang seminars and trainings ngunit ang pinakagusto ko ay ang pag attend ko sa 10th National Congress ng PAKISAMA (National Federation of Farmers), dito ay nahubog ang aking kakayahan at nahanap ang aking sarili. Sa pamamagitan noon ay nakapag buo kami ng Samahan ng mga Kabataang Magsasaka saan mang sulok ng Pilipinas na kung tawagin ay PAMANAKA o Pambansang Samahan ng mga Nagkakaisang Kabataang Magsasaka ng PAKISAMA. Sa kaso ko ay hindi madaling maging isang leader lalo na’t isa akong introverted person, gayunpaman nagagawa ko pa din na gampanan ang pagiging isang lider. Buong buhay ko ay lagi kong dala dala ang motong "Put your feet into the other’s shoes" sapagkat naniniwala ako na bilang isang lider ay dapat kilala ko ang katangian ng aking mga nasasakupan. Kailangan na alam ko ang kanilang kahinaan, kalakasan, ang kanilang sitwasyon at ang kanilang pangangailangan dahil ito ang simulain na maunawaan ko ang kanilang kalagayan at ma address ng tama ang kanilang mga hinaing. Bilang isang leader ay hindi maiiwasan na magkaroon ng hindi angkop na desisyon ngunit hindi naging hadlang iyon upang ipagpatuloy ang nasimulan at pakinangin ang aking obheto.


Ano ang mga pangunahing isyu na hinaharap ng mga magsasaka at paano ninyo tinutugunan ang mga ito?

Ang pangunahing isyu na kinakaharap ng mga magsasakang Pilipino ay ang patuloy na pagbaba ng presyo ng palay dulot ng Rice Tariffication Law at ang mas masaklap pa ay walang magawa ang mga magsasaka ukol dito. Ang nangyayari pa, dahil walang kapital ang mga magsasaka, napipilitan silang umutang ng panggastos upang mapakagsimula sa pagsasaka at pambili ng mga farm inputs na pagkamahalmahal, syempre sa pag uutang ay hindi pwedeng walang tubo kaya minsan kapag mahina ang ani dahil sa mga hindi inaasahan na mga kalamidad tulad ng bagyo, el nino at el nina at mga mapaminsalang mga peste at sakit sa palay, halos wala nang natitira sa kanila dahil pinambabayad nila ang mga ani sa utang kaya nababalewala ang kanilang pagod, ang lamig ng ulan, at nakakapasong init ng araw. Ito ang reyalidad ng mga magsasaka sa ating bansa. Natutugunan naming ang iilang mga problema sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga Kooperatiba (Agriculture Cooperative) na nagbibigay ng benipisyo sa mga magsasaka tulad ng free-seeds, trainings and seminars at irrigation service. At sa katunayan, ngayon o sa susunod na taon ay mapapamahagian kami ng mga mechanization gaya ng combined harvester, mechanical transplanter, four-wheel drive tractor, at iba pa upang matulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang kanilang pagod at labor cost at marami pang iba.

Isa pang problema sa parte naming mga kabataang magsasaka ay ang paunti-unting bilang ng mga kabataan na pumasok sa sector ng agrikultura. Ang isang nakitang dahilan namin ay ang bulok na sistema ng Pilipinas sa agrikultura. Marami ang nawawalan ng interes sa pagsasaka sapagkat madaming dapat ikonsidera maliban sa ito ay sobrang nakakapagod, pag dating ng anihan ay sobrang baba na nag bentahan, sino ba naman ang gaganahan magsaka sa gan’tong sistema? Marami sa mga magulang na mga magsasaka ay mas pinipili na lamang ibenta ang kanilang lupang sakahan sapagkat ayaw ng kanilang mga anak magsaka. Karagdagan, ang pabagu-bagong klima ay ang pinaka kritikal na problema sapagkat mga magsasaka ang vulnerable sa mga epekto nito.


Bilang magsasaka, anong mga katangian ang iyong hinahanap sa isang kandidato sa nasyonal o lokal na pamahalaan?

  1. May-alam sa tamang pamumuno - upang ma address ng tama ang mga isyung kinakaharap hindi lamang ng mga magsasaka kundi ng bawat mamamayang Pilipino.

  2. Walang bahid ng kurapsyon - sapagkat kurapsyon ang pinakapangunahing problema kung bakit hindi umuunlad ang isang bansa.

  3. Consistent pagdating sa pangako at plataporma - mayroong makatotohanang mga plataporma (hindi puro imahinasyon), may gawa at hindi lang puro salita para sa ikauunlad ng bansa.

  4. May malasakit sa mamamayang Pilipino - gustong umupo sa pwesto upang paglingkuran ang bayan, hindi para abusuhin ang kaban ng bayan.

  5. May maganda at makatotohanang track record at consistent sa pagtulong sa kapwa at pakikinig sa hinaing ng masa.

  6. May malinaw na layunin para sa mga magsasaka - layuning pa-angatin ang buhay ng mga magsasakang nasa laylayan ngayong panahon.

  7. Never tolerate political discrimination (local) - maraming mga mamamayan ang dapat ma benipisyuhan ngunit hindi nila nakakamit dahil hindi ka-alyado.

Paano nakatutulong ang mga katangian na ito sa pagtugon sa mga nasabing isyu?

Sa pamamagitan ng mga katangiang aking nabanggit, matutugunan ng tama ang mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng mga magsasaka sa Pilipinas. Maiiwasan ang pagpapatupad ng mga desisyon at implimentasyon ng mga batas lalung-lalo na ang pagpatupad ng Rice Tariffication Law na matagal nang iniinda ng libu-libong magsasaka kahit hindi naman ito naaangkop sa kanilang pangangailangan. Naniniwala ako na sa tulong ng mga katangiang nabanggit ay aangat ang buhay ng mga magsasakang Pilipino. Kinikilatis ang mga importanteng problema ng bansa, lalung-lalo na sa mga hanay ng mga magsasaka. Bibigyang tuon ang mga nangungunang isyu at pag priority sa mga kanila, kalakip na ang mga oportunidad na kanilang kinakailangan.


Bilang magsasaka, anu-anong mga polisiya o programa ang nais mong suportahan ng mga kandidato sa nasyonal at lokal na pamahalaan? Alin dito ang dapat gawing pangunahin?

  1. Magna Carta of Young Farmers - para mabigyan ng konkretong suporta at benepisyo ang mga kabataang magsasaka nang sa ganoon ay magkaroon ng oportunidad at insentibo ang mga tulad ko at makapag hikayat ng mga kabataan na pumasok sa pagsasaka.

  2. Extension ng Comprehensive Agrarian Reform Program - upang patuloy na mapamahagian ng lupa ang mga magsasakang walang access sa lupa.

  3. National Land Use Act - upang maiwasan ang pag convert sa mga lupang sakahan at mapaunlad ang agrikultural na mga lupain.

  4. Repeal of Rice Tariffication Law - Simula ng ipatupad ang Rice Tariffication Law ay simula din ng paglugmok ng mga magsasakang Pilipino.

Marapat na magwagi ang mga kandidatong nagtataglay ng mga nabanggit na katangian at prayoridad, ano ang pinapangarap mong makita sa Pilipinas at sa buhay ng mga magsasaka sa susunod na 6 na taon?

Ang aking pinangarap na makita sa Pilipinas sa susunod na 6 na taon ay isang Pilipinas na walang kurapsyon sapagkat naniniwala ako na natuto na ang mga Pilipino na pumili ng isang Lider na walang ibang hangad kundi ang maglingkod sa bayan at paunlarin ang ating bansa. Bilang isang kabataang magsasaka, pangarap ko din na makita na umangat ang buhay ng bawat magsasakang Pilipino, tanggalin ang stigma, diskriminasyon, at ang mababang tingin ng lipunan sa amin. Taas-noo ang mukha ng mga magsasaka sa pagharap sa lipunan. Isa pa, nais kong makita ang Pilipinas na wala nang nagugutom na sambayanang Pilipino. Sa pag prayoridad sa mga isyu ng mga magsasaka ay makakamit natin ang sapat na pagkain at masaganang buhay ng bawat pamilyang Pilipino sa simpleng paghahain na pagkain sa bawat mesa. Wala nang mga bata at mga matatanda na nasa tabi ng lansangan, nanlilimos at walang masilungan kapag umuulan at walang kanlungan sa gabi. Nais kong makita ang Pilipinas na wala nang mahirap.

 
 
 

Comments


  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

6th Flr. PDCP Bank Centre

V. A. Rufino, Salcedo Village

Makati City (1227)​

yvphilippines@gmail.com  | 

youthvotephilippines

Telephone: (632)942.35.40

© 2025 YouthVotePhilippines  |  Terms of Use | Privacy Policy | Designed by Bridge360 IT Solutions

bottom of page