top of page

Kristel Quierrez: Gusto Kong Bumoto Para Sa Mga Katutubo

Writer: Youth Vote PhilippinesYouth Vote Philippines
This interview features Kristel Quierrez, a student at the Northern Quezon College and the Secretary of the Save Sierra Madre Youth Volunteers Organization.


Paano ka naging isa sa mga lider ng iyong grupo ng kabataang katutubo?

Ako si Boniknik, isang lider kabataan ng tribong Agta/Dumagat at nagsimula akong makisangkot sa mga gawaing may kaugnayan sa paglilingkod sa aking kapwa kabataang katutubo at tribo mula pa noong ako ay kabahagi pa lamang ng Sentrong Paaralan ng mga Agta o SPA, isang paaralang programa ng TCD na binuo para sa mga kabataang katutubo dito sa hilagang bahagi ng Quezon at Aurora. Dito umikot ang aking buong buhay pagkabata na lubog sa kulturang katutubo at mga kasanayan nang may paghubog sa aking kaisipan kung bakit mahalagang tumanaw sa aming mga maaaring gawin bilang mga hinahandang katutubong kabataan para sa aming tribo at kalikasan. Hinuhubog kaming may pagpapahalaga sa kalikasan sapagkat dito nakaugat ang pagkabuo ng aming mga paniniwala at tradisyon at malalim na paggalang sa bawat isa bagaman sa kulturang Agta/Dumagat ay Gemot (elders) ang may kapangyarihan sa mga mahahalaga o mabibigat mang pagpapasya. Sa pamamagitan ng gabay ng misyon ng paaralang makapaglingkod sa aming tribo ay unti-unti akong namulat sa bawat problemang kinakaharap ng aming mga pamayanan na sa tingin ko rin ay may kakulangan nga ang partisipasyon ng kabataang tulad ko.

Sa kasalukuyan, ang organisasyong kinabibilangan ko na Save Sierra Madre Youth Volunteers Organization (SSMYVO) ay kasisimula pa lamang at bago parin sa mga gawaing nais naming magampanan. Bago pa lamang ngunit ang nabuo na hangarin ng bawat isa ang aming pinanghahawakan lalo na sa usapin ng pagtatanggol sa kalikasan. At ako bilang tumatayong Sekretarya, isang tungkulin mang hindi ko parin gagap kung paano magagampanan ay alam kong nakagabay naman ang aking mga nakaraang karanasan at higit ay ang mga kasalukuyang lider ng aming tribo na handing umalalay sa aming pagsisimula.


Ano ang mga pangunahing isyu na hinaharap ng mga katutubo at paano ninyo tinutugunan ang mga ito?

Ang mga pangunahing isyu na aming kinakaharap sa ngayon naming mga katutubo halos lahat ay may kinalaman sa usapin sa aming lupaing ninuno. Ito ay ang pagkasira ng kalikasan na aming nagsisilbing tahanan simula pa noon sa pamamagitan ng paglabag sa mga polisiya kagaya ng batas pangkalikasan, batas pangkatutubo patungkol sa patuloy na pagkamkam ng ilang indibidwal sa mga pamayanan, hindi pantay na pagbibigay ng benepisyong panlipunan mula sa ating pamahalaan, at mga batas pambayan na pinipilit mag-implementa ng mga proyektong hindi naman tutugon sa mga pangangailangan ng kapakanan ng kalikasan bagkus ay sisira nito, at halimbawa nga nito ay pagpasok ng turismo sa aming dapat na iginagalang na mga sagradong lugar at pagtatayo ng Kaliwa Dam partikular dito sa bayan ng Gen. Nakar, Quezon. Ang kung pag-uusapan ay tungkol sa pinaggalingan kong bayan, ang Gen. Nakar, tutol din ang lokal na pamahalaan sa Certificate of Ancestral Domain Title o CADT at ang dahilan ng kanilang pagtutol ay dahilan sa sabi nila’y bayan pero sa aking pananaw ay interes ng iilan, sapagkat mapapakinabangan nila ang bahagi ng lupa at hindi mapamahalaan ng katutubo. Malinaw na pinipilit nilang hindi kilalanin ito sa halip ay ipawalang bisa. Idagdag parin dito ang mga patuloy paring mga ilegal na pagkakahoy, di mapigilang mga ilegal na pangigisda na malamang ay nangyayari din sa ibang lugar.

Kung paano ang mga ito natutugunan ay sa pamamagitan ng pakikipagdayalogo, nagpepetisyon at naglilinaw sa mga tao pero dahil sa kahirapan ay hindi narin nga masawata ang mga maling gawain dahil hindi naman mapipigilang kumain ang mamamayan kaya hindi ito tahasang maipagbawal. Gayun paman, dapat matuto sana ang tao na sundin ang tamang batas at mga patakaran na sa bahagi ng mga nasa ahensya ng gobyerno ay dapat ipatupad ng tama at walang kinikilingan.

At sa bahagi naman naming mga kabataan, bago pamang gumagampan ay nagsisimula na kaming kumapa sa mga sitwasyong alam naming mayroon din kaming maitutulong. Kami ay unti-unti nang sumasama sa ilang mahahalagang usapin at sa ilang bagay na kami narin mismo ang nagiging instrumento para maibahagi sa lahat ang kamalayang aming pinaglalaban ay malaki ang magiging balik hindi lamang sa aming tribo kundi para sa kinabukasan ng lahat. Hindi rin ito hiwalay sa malalim na pagkakaroon ng koneksyon ng buhay katutubo sa kalikasan kaya naman hindi nawawala sa aming mga gawain ang pagbibigay halaga para dito. At kung anuman ang aming sinisimulan para makatugon sa mga isyung aming kinakaharap ay hindi nawawala ang paggabay sa amin ng mga matanda at mga lider sapagkat sila ang aming inspirasyon upang makayanan din naming kung ano ang kanilang mga ginagawa para ingatan kung ano ang mayroon ang mga katutubo.


Bilang katutubo, anong mga katangian ang iyong hinahanap sa isang kandidato sa nasyonal o lokal na pamahalaan? Paano nakatutulong ang mga katangian na ito sa pagtugon sa mga nasabing isyu?

Sa panahon ngayon, kailangan ng matalinong pagpili ang mamamayan ng itatalagang mga mamumuno sa bawat bayan o kahit bansa dahil alam naman na natin na seryoso na ang kalikasan sa kanyang pagbabago at kung hindi tayo matututo, lahat tayo ay apektado. Kaya unang-una, ang katangian ng aking ibobotong kandidato ay mayroong makakalikasang puso; nagpoprotekta sa pangangailangan ng kalikasan, may pagpapahalaga sa buhay at kinabukasan ng susunod na salinlahi. Mahalaga sa kanila ang pagkakaroon ng pakialam sa buhay ng susunod na henerasyon at hindi lamang ang umiikot ang kaisipan sa sariling pagpapayaman. At higit sa lahat, isang kandidatong naniniwala sa Diyos, may takot at naninindigan para sa kapakanan ng kanyang mamamayan. Sa kanyang pagdedesiyo’y hindi siya makaisang panig kumbagama’y makatarungan, walang naaapi, walang nangingibabaw kundi ito’y nasusuri at napapag-aralan kung ano talaga ang tamang pasya sa anumang mga aksyong kanyang bibigyang plataporma kaugnay sa barangay, bayan, at pati narin sa buong bansa.


Bilang katutubo, anu-anong mga polisiya o programa ang nais mong suportahan ng mga kandidato sa nasyonal at lokal na pamahalaan? Alin dito ang dapat gawing pangunahin?

Para sa aking pananaw, wala naman ng mga kailangang polisiya sapagkat naisabatas na ang mga pangunahin. At kung susuriin nga’y marami narin nga ngunit halos wala rin namang umiiral at naipapatupad ng tama. Halimbawa, ang batas IPRA na sa halip na protektahan ang karapatan ng mga katutubo ay ipinagkokompromiso pa sa mga proyektong nakakasira sa aming mga lupaing ninuno. Kaya ibig sabihin, walang gamit ito kung ito naman mismo ang nagpoprotekta sa interes ng mga proyekto at hindi ng mga katutubong dapat na pangunahing dala nito. Kaya ang dapat na siguruhin ng mga kandidato ay ang mga batas na tulad nito at iba pang mga polisiya na siguradong magpoprotekta sa mga mamamayan kung paanong naipapatupad ito at hindi sa interes ng iilan. Mahalaga ring maintindihan nila kung ano ang konsepto ng kurapsyon upang wag nila itong magawa at walang maaapetuhan sa epektong dulot nito. At kahit na karamihan sa kanila ay may kaisipang mali sa batas kapag sila ay nabayaran na ay pilit paring nilalabag ang mga polisiyang umiiral dahil sa sariling interes.

Kaya bilang katutubo, ang hangad ko lamang ay ipatupad ang mga tamang batas at polisiya. Bukod pa rito, bigyang prayoridad ang mga kinakailangang ayusin sa bahagi ng aming hanay pangunahin ang IPS O Indigenous Political Structure na marapat ding kilalanin ayon sa IPRA. Kilalanin ng tama ang mga namumuno sa katutubo at hindi namimili kung sino lamang ang gusto nilang kilalanin. Sapagkat kung tama at sumusunod sa panuntunan ay walang imposibleng iiral ang ang pamumuno o pamamahala sa loob ng aming mga lupaing ninuno.


Marapat na magwagi ang mga kandidatong nagtataglay ng mga nabanggit na katangian at prayoridad, ano ang pinapangarap mong makita sa Pilipinas at sa buhay ng mga katutubo sa susunod na 6 na taon?

Ang pinapangarap kong makita sa Pilipinas at sa buhay ng mga katutubo sa sususnod na anim na taon unang-una ay naniniwala, naninindigan sa kakayanan ng mga Pilipino at hindi nakasandal sa kakayanan ng ibang bansa. At mangyayari ito sa pamamagitan ng pag-usap ng maayos, hindi sa mararahas na paraan at hindi sa paanlilinlang.

Ang buong bansa ay may demokrasyang umiiral sa mga usapin, problema sa bawat bayan, probinsya at sa buong bansa. Ang lahat ng mga batas na mga anti-mamamayan kagaya ng ELCAC na mapanupil at iba pang mga polisiyang naaprubahan ng kasalukuyang administrasyon ay mapawalang bias. Sapagkat sa paniwala ko, ito ay laban sa karapatang pantao halimbawa na ng mga sitwasyong kapag nabintangan ka ay wala ng imbestigasyong mangyayari, papatayin kana kaagad. Nakakatakot dahil kaming mga katutubo ang nakalubog sa lugar na para sa gobyerno ay pinagmumulan ng mga grupong sangkot sa ganitong usapin. Dapat talaga na ito ay marapat na dumaan sa proseso ng imbestigasyon na tama.

Sa bahagi ng katutubo, kung maaari ay palitan ang ilang mga namumuno sa NCIP na hindi naman nakikinig sa panig ng katutubo ang binibigyang prayoridad bagkus ay sa mga proyektong nakakasira sa aming lupaing ninuno. Ang nais lamang namin ay ahensyang makikinig sa baawat panig; hindi makaisang panig upang patuloy pa naming makamit ang aming mga karapatan bilang mamamayan ng bansa.

At ang pinakamahalaga, ipatupad ang Paris Agreement kaugnay sa pagpapanumbalik ng kalikasan. Ipatupad ito sapagkat pumirma ang ating bansa na may porsyentong dapat susundin upang mapanumbalik ng bawat bansa ang kalikasan para hindi lumala ang sitwasyon sa pagbabago ng panahon. Marapat lamang na tayong lahat ay magtulong tulong para sa kapakanan ng kalikasan.

 
 
 

Comentarios


  • Facebook
  • Twitter
  • Instagram

6th Flr. PDCP Bank Centre

V. A. Rufino, Salcedo Village

Makati City (1227)​

yvphilippines@gmail.com  | 

youthvotephilippines

Telephone: (632)942.35.40

© 2025 YouthVotePhilippines  |  Terms of Use | Privacy Policy | Designed by Bridge360 IT Solutions

bottom of page